BAGUIO CITY – Mas mahigpit na seguridad ang ipinatutupad ng pulisya rito kaugnay ng dagsa ng mga turista at bakasyunista para tunghayan ang isang-buwang pagdiriwang ng Panagbenga Festival sa lungsod.
Tiniyak ni Senior Supt. George Daskeo, officer-in-charge ng Baguio City Police Office, na handa ang pulisya, mga volunteer, ang Barangay Peacekeeping Force, at mga non-uniform intelligence officer na ipinakalat sa central business district (CBD), para tiyakin ang peace and order sa siyudad, partikular na sa mga araw na tampok ang highlights ng Panagbenga Festival.
Ilulunsad ngayong Lunes, Pebrero 1, ang isang-buwang selebrasyon ng 21st Panagbenga Festival, at inaasahang libu-libo ang manonood sa grand street dancing at floats parade sa Pebrero 27 at 28.
Nagdeklara na ang pamahalaang lungsod na walang klase sa lahat ng paaralang elementarya ngayong Lunes para bigyang-daan ang pagsisimula ng kapistahan.
Sinabi pa ni Daskeo na karagdagang 300 police trainee mula sa Philippine National Police (PNP) Training School at dalawang company mula sa Police Regional Office (PRO)-Cordillera ang itatalaga ni Chief Supt. Ulysses Abellera bilang dagdag na puwersa ng Baguio City Police Office sa mga araw na inaasahan ang dagsa ng mga turista.
(Rizaldy Comanda)