Magbubukas ng tatlong bagong terminal ang Pasig River ferry service sa Pasig City at Marikina City bago matapos ang termino ng kasalukuyang administrasyon, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Bubuksan ngayong Pebrero ang mga terminal sa Rosario at Kapasigan sa Pasig City, ayon kay MMDA Pasig River Service Operations head, Rodrigo Tuason.

Sinabi ni Tuason na nanguna ang dalawang nabanggit na lokasyon sa isinagawang survey ng ahensiya sa mga commuter.

“Based on our records, about 500 passengers ride the ferry daily, and we expect the number to grow with the continued patronage of the passengers,” sinabi ni Tuason sa programa ng ahensiya sa DZBB.

National

4.7-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Dagdag pa niya, isang bagong fiberglass boat ang nadagdag sa 15 ferry boat na nagseserbisyo sa mga pasahero sa Pasig River, na nagmumula sa Pinagbuhatan sa Pasig hanggang sa Plaza Mexico sa Maynila.

Sa kasalukuyan, may 11 terminal ang Pasig River Ferry—sa Pinagbuhatan at San Joaquin sa Pasig City, Guadalupe at Valenzuela sa Makati City, Hulo sa Mandaluyong City; at PUP-Sta. Mesa, Sta. Ana, Lambingan, Lawton, Escolta, at Plaza Mexico sa Maynila.

Sisingil ng mula P15 hanggang P90, ang serbisyo ay mula 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi araw-araw.

(Anna Liza Villas-Alavaren)