DADAGSA ang mga lokal at dayuhang turista sa Baguio City para sa pinakaaabangang 21st Panagbenga Festival na magsisimula ngayon. Isa sa pinakapopular at makulay na pang-akit sa mga turista sa Pilipinas, kilala ang taunang Panagbenga sa naggagandahan at mga agaw-pansin nitong float na napapalamutian ng napakarami, pawang magaganda, at iba’t ibang kulay na bulaklak.
Unang tinagurian na Baguio Flower Festival, kalaunan ay ginamit ng mga organizer ang terminong Kankanaey na Panagbenga (nangangahulugang panahon ng pamumulaklak) upang bigyang-diin kung paano binibiyayaan ng kalikasan ng iba’t iba at naggagandahang bulaklak ang Summer Capital.
Ang tema ngayong taon ay “Bless the Children with Flowers.” Ayon kay Mayor Mauricio Domogan, “To bless them with flowers will help them see the beauty of life, teach them the importance of appreciating and preserving God’s gift of nature. It will inculcate in them that while each flower has its own distinct beauty, such beauty is magnified when put together with flowers and different kinds, no matter how diverse they are.”
Ang kapistahan ngayong taon ay sisimulan sa Grand Inaugural Parade na magtatampok sa elementary division na Drum & Lyre Dance Competition, sa Grand Street Dancing Parade, sa Grand Float Parade, at sa Barangay Clean & Green/Landscaping Competition. Itatampok naman sa Lake Drive sa Burnham Park ang Baguio Blooms Exhibition and Exposition mula Pebrero 1 hanggang Marso 6, habang ang malawakang Chinese Spring Festival sa siyudad ay idaraos sa Pebrero 8, Chinese New Year.
Sa Pebrero 14, isang maghapong event na pampamilya at tinatawag na “Handog ng Panagbenga sa Pamilya Baguio” ang magtatampok sa aktibidad na “Let a Thousand Flowers Bloom”, na maaaring magpinta ang mga pamilya sa isang canvass, bukod pa sa Panagbenga Kite-Flying, at isang variety show. Ang event na ito para sa buong pamilya ay magtatapos sa fireworks display sa gabi.
Tampok din sa mga aktibidad na karaniwan nang dinadagsa ng tao tuwing kapistahan ang Philippine Military Academy Grand Alumni Homecoming, ang Floral Arrangement Competition, ang School-Based Landscaping Competition, at ang Pony Boys Day.
Isinasalaysay ng Panagbenga Festival ang kuwento ng mamamayan na ipinagmamalaki ang kanilang mayaman at makulay na kultura, at taun-taong nagsasama-sama upang bigyang-buhay ang pagdiriwang at ibahagi ang kanilang magagandang tradisyon sa mga lokal at dayuhang bisita, na umaabot sa milyon tuwing kapistahan.
Binabati natin ang mga Baguioeño sa pagdiriwang nila ng ika-21 Panagbenga Festival. Nawa’y ang kahanga-hangang ganda ng iba’t ibang bulaklak na matatagpuan sa siyudad at ang pagsisikap ng kapistahan na mabigyang-atensiyon ito ay makahikayat sa mamamayan upang mapaglimi na mabuti ang mundo at maaaring maging napakaganda kung nakatutupad tayo sa mga pangangailangan nito at maayos itong napangangalagaan.