Ni HANNAH L. TORREGOZA
Handa si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na pangunahan ang prosecution team na maghahain ng kaso laban kay Pangulong Aquino na kanyang idinidiin sa pagkamatay ng 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.
Sinabi ni Enrile na handa siyang umeksena bilang private prosecutor sakaling isalang ng Malacañang bilang “scapegoat” si dating SAF Director Getulio Napeñas sa brutal na pagkakapaslang sa mga tauhan nito.
At dahil nasa huling termino na siya bilang senador, sinabi ng beteranong mambabatas na maaari na siyang bumalik sa kanyang dating propesyon sa pag-aabogado.
“Yes, (I’m ending my term this) June 30. But I’m still a lawyer for life... If Napeñas is charged before the courts, I can act as his lawyer, and I can absolve him. Like Dreyfus who was accused of a crime and used as a scapegoat by the German army,” ayon kay Enrile.
Tinukoy ni Enrile si Alfred Dreyfus, isang army captain na sinentensiyahan sa pagtatraydor sa France matapos magbenta ng mga sekreto ng militar subalit kinalaunan ay pinawalang-sala rin.
Sa panayam sa radyo DzBB, sinabi ni Enrile na may pinanghahawakan siyang operation audit report hinggil sa “Oplan Exodus” na gagamitin niyang ebidensiya sa paghahain ng kaso laban kay Aquino.
Aniya, mayroong maiimpluwensiyang personalidad na itinago ang mga sensitibong detalye sa naturang audit report subalit handa niyang ihayag ang detalye.
Sinabi ni Enrile na ang partisipasyon ng Amerika sa madugong operasyon sa Mamasapano ay sapat na upang patunayan na may pananagutan ang Pangulo sa pagkamatay ng mga police commando.