Isang driver ang natagpuang patay sa isang parking lot sa Parañaque City, kahapon ng umaga.

Sinabi ng Southern Police District (SPD) na wala nang pulso subalit mainit pa rin ang bangkay ni Enrique Enrona, 39, driver ng fruit delivery van, at residente ng Barangay Rizal, Tagkawayan, Quezon, nang matagpuan ito ng kanyang helper na si Norman Lacsa sa isang paradahan sa Bgy. San Antonio sa Parañaque, dakong 6:10 ng umaga.

Tinangka pa umanong gisingin ni Lacsa ang kanyang kasamahan subalit hindi na ito magising, at nang kapain niya ang pulso ay wala na itong buhay.

Lumitaw sa imbestigasyon na huling namataan ng mga tambay sa lugar na buhay pa si Enrona dakong 10:00 ng gabi nitong Sabado habang natutulog sa loob ng delivery van.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Bukod sa isang sugat sa bibig na posibleng bunsod ng pagbagsak sa semento, walang nakita ang pulisya na palatandaan ng foul play sa biktima.

Agad na dinala ang bangkay ni Enrona sa People’s Funeral Services upang isailalim sa awtopsiya at matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito. - Martin A. Sadongdong