Sinisiyasat na ng pamunuan ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang pagkamatay ng isang inmate matapos itong isalang umano sa “torture” ng mga kapwa bilanggo dahil sa droga.
Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa NBP Hospital nitong Huwebes si Fabian Mabalato, 46, sinentensiyahan sa kasong murder at nakapiit sa Quadrant 3 ng Maximum Security Compound.
Bago bawian ng buhay si Mabalato, sinulatan umano niya si Bureau of Corrections (BuCor) Director Rainier Cruz III kaugnay ng dinanas niyang torture sa kamay ng kanyang mga kakosa ngunit minalas na hindi nakarating ang sulat sa tanggapan ng opisyal makaraang ipinatago ito sa isang kapwa bilanggo.
Nakasaad umano sa sulat ni Mabalato na nakaranas siya ng matinding pahirap sa kamay ng isang grupo ng inmate dahil sa utang niya sa transaksiyon sa droga na nagkakahalaga ng P600,000 hanggang P700,000.
“Basag ang aking mukha at nagkaroon ako ng malaking bukol sa aking leeg dala ng malakas na pagkapalo nila.
Pinagkasunduan ng lahat ng nanunungkulan na ako’y kanilang takalan, paluin ng bilang na 245 takal. Binartolina po nila ako doon ng 5 months at doon na po ako natuluyang malumpo. Maawa na po kayo sa akin, Sir, hindi ko na kaya.
Tulungan po n’yo akong makamit ang tamang hustisya para panagutin silang lahat sa ginawa nila sa akin,” saad sa sulat ni Mabalato.
Sinabi ni NBP Superintendent Richard Schwarzkopf Jr. na wala silang natatanggap na reklamo mula sa biktima hinggil sa sinapit nitong matinding torture.
Dalawang taon nang nakakulong sa NBP si Mabalato dahil sa pagpatay at naratay sa nasabing pagamutan noong Disyembre 2015 dahil sa tuberculosis (TB), na unang dumaing ng pananakit ng katawan.
Iginiit ni Schwarzkopf na hindi nila pahihintulutan at kukunsintihin ang aniya’y “pagtakal” sa mga preso kasunod ng pagtiyak ng masusing imbestigasyon sa insidente at papanagutin ang mga presong sangkot dito. (Bella Gamotea)