Bukas ang Commission on Elections (Comelec) sa panukalang gawin na lang boluntaryo ang pagsisilbi ng mga public school teacher sa halalan.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, walang nakikitang problema ang Comelec sakaling maisakatuparan ang naturang panukala na hindi na mag-oobliga ng poll duties sa mga guro.
Gayunman, naniniwala si Bautista na kung mabibigyan ng mas malaking kompensasyon at titiyakin ang proteksiyon ay mahihikayat ang mga guro na boluntaryong magsilbi sa eleksiyon.
Sa ngayon, aniya, dahil sa automated election ay nangangailangan lang ang Comelec ng 300,000 guro, o wala pang kalahati ng 650,000 public school teachers sa bansa.
Aminado naman si Bautista na ang magiging isyu naman dito ay kung saan kukunin ng Comelec ang pambayad sa mga guro dahil hindi, aniya, ito nakasaad sa panukala.
Matatandaang ang panukala ay nasa bicameral conference committee na, matapos i-adopt ng Kongreso ang bersiyon ng Senado ng nasabing panukala.
Bukod sa pagiging voluntary ng poll service ng mga guro, isinusulong din sa panukala ang pagbibigay sa mga guro ng malaking honoraria at mandatory benefits. (Mary Ann Santiago)