Magandang balita sa mga consumer, partikular sa mga may-ari ng karinderya, sa bansa ang pagpapatupad ng big-time rollback sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG).
Pangungunahan ng Eastern Petroleum Philippines ang mga kumpanya ng langis na magtatapyas sa presyo ng LPG bukas ng umaga.
Ayon sa Eastern Petroleum, epektibo dakong 6:00 ng umaga bukas, Pebrero 1, ay magtatapyas ito ng P3.36 sa presyo ng kada kilo ng LPG, katumbas ng P36.96 na bawas sa halaga ng bawat 11-kilogram na tangke nito.
Wala namang paggalaw sa presyo ng Auto-LPG.
Asahan ang pagsunod ng iba pang kumpanya sa kaparehong bawas-presyo sa cooking gas kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.
Ang bagong price rollback ay bunsod ng pagbaba ng presyuhan ng LPG sa pandaigdigang pamilihan.
Enero 1 nang pangunahan ng Petron ang bawas-presyo na P4.85 sa Gasul at Fiesta Gas, katumbas ng P53.25 tapyas sa regular nitong tangke, habang nagbaba rin ng P2.70 sa presyo ng Auto-LPG nito, na agad namang sinundan ng Solane at Eastern Petroleum. (BELLA GAMOTEA)