BALAYAN, Batangas – Patay ang isang jail guard habang kritikal naman ang isang pulis matapos umano silang pagbabarilin ng mga presong tumakas mula sa piitan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Barangay 4, Balayan, Batangas, kahapon ng madaling araw.

Dead on arrival sa Madonna General Hospital si SJO1 Leonardo De Castro matapos tamaan ng bala sa ulo.

Nilalapatan pa ng lunas si PO3 Roderick Reyes Botavara, na pinagbabaril din ng mga pugante.

Pinaghahanap naman ang nagsitakas na sina Ajie Mendoza, 19, may kasong carnapping; Marvin Seralbo 22; at Jessie Pega, 29, kapwa akusado sa ilegal na droga.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nabatid sa inisyal na report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) na dakong 2:10 ng umaga nang agawan ng baril ng mga suspek si De Castro, at binaril pa ito ni Mendoza sa ulo.

Nagawa umanong lagariin ng mga suspek ang unang steel bars sa kanilang selda hanggang nakarating sila sa kinapupuwestuhan ni De Castro.

Inutusan pa umano ang isa pang jail guard na si JO1 Pilita Colocar na buksan ang padlock ng pangatlong steel bars.

Nasa labas umano ng himpilan ng Balayan Police si PO3 Botavara kaya naka-engkuwentro niya ang mga pugante at tinamaan siya ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.