Kinasuhan ng Office of the Ombudsman ang isang dating alkalde ng Consolacion, Cebu, at pitong iba pa dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ilegal na pagmimina noong 2009.

Sinampahan si dating Consolacion Mayor Avelino Gungob Sr. sa Sandiganbayan ng kasong Theft of Minerals, sa ilalim ng Section 103, ng RA 7942 o Philippine Mining Act of 1995.

Kinasuhan din ang mga dating opisyal at empleyado ng lokal na pamahalan na sina Glecerio Galo, Leonardo Capao, Joeboy Dayon, Juanito Gerundio, Beda Comeso, Nicarter Yray, at Dionito Mangilaya.

Inirekomenda ni Graft Investigation and Prosecution Officer III Gerald Varez, na siya ring naghain ng kaso sa Sandiganbayan, ang piyansang P12,000 sa bawat akusado.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nai-raffle na rin ang kaso at ito ay bumagsak sa Sandiganbayan Third Division.

Ayon sa Ombudsman, ginamit umano ni Gungob ang kanyang posisyon upang makipagkutsabahan sa kanyang mga empleyado sa munisipyo sa pagkuha ng limestone at diorite sa Barangay Garing, Consolacion.

Naikarga umano ng mga akusado ang mga limestone at diorite, na aabot sa 30 metro kubiko, sa tatlong truck mula sa lugar.

Iginiit ng Ombudsman na ang mga naturang mineral ay pag-aari ng gobyerno at isinagawa ang pagmimina ng mga ito nang walang kaukulang permiso, tulad ng nakasaad sa RA 7942. (Jeffrey G. Damicog)