Kabuuang 22 na lamang mula sa orihinal na 32 ang paglalabanan sa tinaguriang pagsasama-sama ng mga pinakamahuhusay na baguhang atleta kontra sa mga miyembro ng pambansang koponan sa pagsasagawa ng 2015 Philippine National Games (PNG) Championships sa Lingayen, Pangasinan.
Sinabi ni PSC National Games Project Director Atty. Ma. Fe “Jay” Alano at PNG Secretariat chief Annie Ruiz na 10 sports ang hindi na isasagawa sa pinakahuling yugto ng kompetisyon para makadiskubre ng mga bagong atleta na posibleng makabilang sa national pool.
“They (NSA’s) had their own reasons each kung bakit hindi sila makakapagsagawa ng kanilang events,” sabi ni Alano.
Ang torneo ay pinagtutuunan din ng PSC bilang pinakasukatan ng mga pambansang atleta na nagnanais na magkuwalipika sa nalalapit na Rio de Janiero Olympics at maging sa susunod na dalawang internasyonal na torneo na 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia at 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Tanging naiwan para isagawa ang kanilang mga laro ay ang archery, arnis, athletics, badminton, billiards, boxing, chess, karatedo, swimming, taekwondo, cycling, dancesports, futsal, judo, lawn tennis, muaythai, pencak silat, sepak takraw, table tennis, volleyball, weightlifting at wrestling.
Hindi na isasagawa ang dragonboat,fencing,football,softball, underwater hockey,triathlon,baseball,rugby football at beach volleyball. (ANGIE OREDO)