Nakikipag-ugnayan ngayon ang pulisya sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang matukoy ang mga bank account ni Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino, na naaresto kamakailan sa isang shabu laboratory sa Sta. Cruz, Manila.
Ito ay matapos makarekober ang mga anti-narcotics agent ng ilang dokumento, na lumitaw na nagdeposito si Marcelino ng P2.2 milyon sa kanyang account noong nakaraang taon.
“Our director (Senior Supt. Antonio Gardiola) has already requested for a complete and through financial investigation to determine if there are money-laundering activities,” ayon kay Chief Insp. Roque Merdegia, ng Anti-Illegal Drugs Task Force (AIDG).
Lumitaw sa mga deposit slip na ang pinakamalaking naideposito umano ng Marine official ay umabot sa P500,000 noong Mayo 26, na sinundan ng P200,000 matapos ang isang buwan.
Nagdeposito rin umano si Marcelino ng P300,000 noong Hulyo 31, samantalang ang pinakamaliit na ipinasok niya sa bangko ay P30,000 noong Marso 4.
“We also found P86,000 cash from his bag, along with a handgun,” pahayag ni Merdegia.
Sinabi ni Merdegia na isasailalim rin sa forensic digital examination ang cell phone ni Marcelino upang matukoy ang mga ka-transaksiyon nito sa drug business. (Aaron Recuenco)