NBA stars Diaw, Batum at Parker, makakasagupa ng Gilas sa OQT.

Matinding hamon ang susuungin ng ating national men’s basketball team na kilala bilang Gilas Pilipinas sa kanilang pagtatangkang mag-qualify sa darating na Rio de Janeiro Olympics sa Agosto sa pagsalang kontra mga beteranong NBA players na kakatawan sa kani-kanilang bansa sa gaganaping Olympic Qualifying Tournament simula Hulyo 5 sa Manila.

Matapos ang ginanap na draw sa House of Basketball sa Mies, Switzerland para sa tatlong qualifying tournaments na magkakasabay na gaganapin sa Manila, Turin (Italy) at Belgrade (Serbia), nakasama ng Gilas sa grupo na maglalaro dito sa bansa ang mga koponan mula Turkey, Senegal, Canada, France, at New Zealand.

Napili naman upang makasama ng national team ng Italy ang mga koponan ng Greece, Mexico, Iran, Tunisia at Croatia habang napasama naman para makagrupo ng national team ng Serbia ang Angola, Puerto Rico, Czech Republic, at Latvia.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Bawat grupo ay hinati sa dalawa at para sa Manila OQT, napasama ang Gilas sa Group B na kinabibilangan din ng France at New Zealand habang napunta sa Group B ang Turkey, Senegal at Canada.

Lubhang mabigat ang unang laban ng Gilas dahil mahaharap sila kontra sa mga NBA veterans na sina Tony Parket at Boris Diaw ng San Antonio Spurs at Nicolas Batum ng Charlotte Hornets sa pagsagupa nila sa koponan ng 2014 FIBA World Cup bronze medalist France.

Ngunit bukod sa nabanggit na tatlong manlalaro, karamihan sa mga manlalaro ng 2013 FIBA Eurobasket men’s champion ay pawang mga NBA players na kinabibilangan nina Rudy Gobert (Utah Jazz), Joakim Noah (Chicago Bulls), Ian Mahinmi (Indiana Pacers), Joffrey Lauvergne (Denver Nuggets), Evan Fournier (Orlando Magic), Alexis Ajinca (New Orleans Pelicans) at Kevin Seraphin (New York Knicks)bukod pa sa mga dating NBA cagers na sina Fabien Causeur, Charles Kahudi, Antoine Diot, at Mickaël Pietrus. (ANGIE OREDO)