Gaya ng inaasahan ay nakamit ng national youth team standout na si Gretchel Soltones ang kanyang ikalawang sunod na MVP award kahapon sa awarding ceremony na ginanap bago ang pagpapatuloy ng NCAA Season 91 volleyball tournament finals sa San Juan Arena.

Ngunit higit sa kanyang natanggap na ikalawang tropeo, nagsilbing pinakamahalagang bagay na nangyari kahapon para sa San Sebastian College Lady Stags ace spike nang muling makapiling ang matagal na nawalay niyang ina na si Marilyn, ilang oras bago ang awards rites.

Huling nakita ni Soltones ang kanyang ina noong nasa grade school pa lamang siya sa Catmon, Cebu.

Bukod sa MVP, iginawad din kay Soltones ang Best Scorer award sa ikalawang sunod na taon.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakamit naman ng kanyang kakamping si Alyssa Eroa ang Best Digger award habang napunta kay St. Benilde spiker Jeanette Panaga at libero Melanie Torres ang Best Blocker at Best Receiver awards, ayon sa pagkakasunod.

Ang iba pang mga awardees sa kababaihan ay sina Nieza Viray ng San Beda College (Rookie of the Year), Arellano University skipper CJ Rosario (Best Spiker), ang kakampi nitong si Rhea Ramirez (Best Setter), at Jose Rizal University’ Shola Alvarez (Best Server)

Sa men’s division, muli namang tinanghal na MVP si Howard Mojica ng Emilio Aguinaldo College bukod pa sa pagpakyaw sa iba pang karangalan na binubuo ng Best Scorer, Best Spiker at Best Server.

Kasama naman niyang nag-uwi ng individual awards sina Walt Amber Gervacio ng San Sebastian(Rookie of the Year), Anjo Pertierra ng Mapua (Best Blocker), at Dion Canlas (Best Digger), John Carlo Desuyo ng San Beda (Best Setter), at Aljian Dy ng St. Benilde (Best Receiver).