Naniniwala si Magdalo party-list Rep. Gary Alejano na mayroong implikasyon ang muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado ngayong Miyerkules sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao sa magiging resulta ng eleksiyon sa Mayo 9, 2016.

Aniya, may epekto ang desisyon ng Senado na buhayin ang imbestigasyon dahil ito ay isasagawa halos dalawang linggo na lamang ang natitira bago ang pagsisimula ng kampanya para sa mga tatakbo sa national elective position sa Pebrero 9.

“Ang lahat ng galaw ng miyembro ng Senado ay may implikasyon sa halalan natin sa 2016,” pahayag ng dating Army officer sa Ugnayan sa Batasan forum.

Bagamat hindi re-electionist si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile, sinabi ni Alejano na siya ay kaalyado ni Vice President Jejomar Binay, standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA).

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“Kahit ‘di tumakbo si Enrile, kaalyado naman n’ya si Binay. Pinakulong siya ng administrasyon at may axe to grind siya against the administration,” aniya.

Ang nararapat aniya ay isinulong ang imbestigasyon nitong nakaraang taon upang maiwasang mabahiran ng kulay-pulitika ang proseso.

Base sa kahilingan ni Enrile, nagdesisyon ang Senate Committee on Public Order na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe na muling buksan ngayong Miyerkules ang imbestigasyon sa madugong engkuwentro upang matalakay ang mga umano’y bagong ebidensiya na ilalabas ng 91-anyos na senador.

Taliwas naman dito ang posisyon ng Kamara dahil ayon kay Speaker Feliciano Belmonte Jr., wala na silang balak na muling buksan ang isyu hinggil sa pagkamatay ng 44 na tauhan ng Special Action Force sa Mamasapano, isang taon na ang nakararaan. (CHARISSA M. LUCI)