Hindi pa inaalis bilang headcoach ng University of Santo Tomas men’s basketball team si Bong de la Cruz.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source na involved din sa koponan ng Tigers, kasalukuyang iniimbestigahan ng pamunuan ng unibersidad sa pamumuno ng rector na si Fr. Herminio Dagohoy ang buong coaching staff ng koponan hinggil sa isang maselang isyu na ayaw pa umanong ibunyag sa media.
Nilinaw ng team insider na, malinis ang pangalan ni de la Cruz hinggil sa nasabing isyu na ibinabato sa kanya.
“Wala pa namang final decision ang UST, ang alam ko merong binuo na committee para alamin kung involve ba ang entire coaching staff headed by coach bong sa issue at doon pa lang “magdedesisyon kung magpapalit ng headcoach,” ayon sa aming source.
“Ang nakakalungkot meron sa coaching staff na gumagawa ng kwento para matanggal si coach bong,” dagdag pa nito.
“Basta ang kaya ko lang sabihin say o, walang kasalanan si Bong sa inaakusa nila, napupulitika lang siya.”
Matatandaang lumabas sa isang ulat sa Spin.ph na “on the way out” na si de la Cruz at marami na ang nakahanay na pinagpipilian para ipalit dito kabilang na ang mga dati ring Tigers na sina Bal David at ang dating interim coach na pinalitan noong isang taon ni de la Cruz na si Ernesto Ballesteros. (Marivic Awitan)