Inihirit kahapon ni Vice President Jejomar Binay na mabiyayaan din sa Conditional Cash Transfer (CCT) program ng pamahalaang Aquino ang mga edad 60 hanggang 64.

“Ang pagiging senior citizen ay nagsisimula sa edad 60. Bakit hindi sila isinama sa program?” tanong ni Binay sa panayam sa radyo sa Bohol.

Sa kasalukuyan, nabibiyayaan lang ng CCT program ang mga senior citizen na may edad 65.

Puntirya ni Binay ang karagdagang benepisyo para sa mga senior citizen dahil halos hindi na mapunan ng pensiyon na natatanggap ng mga ito ang mga pangangailangan sa araw-araw, dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Bago pa nila matanggap ang kanilang pensiyon, pababa naman ang halaga ng presyo ng piso. Kapag sila ay nagretiro matapos ang 10-15 taon, wala nang halaga ito,” giit ng bise presidente.

Bumisita si Binay sa Bohol upang makapulong ang mga lokal na leader, mga kinatawan ng iba’t ibang sektor, at mga residente ng Clarin, Inabanga, Danao, Sierra Bullones at Carmen.

Iginiit ni Binay ang pagpapatupad ng reporma sa CCT program matapos mabuking ng Commission on Audit (CoA) ang kuwestiyonableng listahan ng mga benepisyaryo, palpak na pamamahagi nito, kawalan ng resibo at kaukulang sa bayad, at walang sistema ng beripikasyon. - Anna Liza Villas-Alavaren