Ni Angie Oredo

Nabigo si Kevin Belingon na iuwi ang pinakamimithing korona sa kanyang pakikipagharap sa ONE Championship bantamweight crown kontra sa kampeon na si Bibiano Fernandes sa main event ng ONE Championship - “Dynasty of Champions” sa Changsa SWC Stadium sa China.

Kinailangan lamang ng nagtatanggol na kampeon mula sa Brazil na si Fernandes ang isang round upang itala ang kanyang ikatlong sunod na panalo sa pamamagitan ng submission.

Agresibong nagsimula ang Filipino challenger mula sa Team Lakay ng Baguio na si Belingon sa hangad na hindi masayang ang unang tsansa na lumaban sa championship, subalit hindi nito nakayanan ang matinding kasanayan sa paglaban ng beteranong kampeon.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagawa ni Fernandes, isang Brazilian Jiu-Jitsu black bet, na i-body lock at ipitin sa sahig si Belingon bago nito isinagawa ang Kimura upang puwersahin ang Filipino fighter na mag-tap sa natitirang 4:04 ng laban.

Ito ang ika-11 sunod na panalo at ikaapat na matagumpay na pagdepensa ni Fernandes sa kanyang titulo bilang ONE bantamweight champion.

Napaganda rin nito ang kanyang record sa 19-3, habang nahulog si Belingon sa 13-5 panalo-talong karta matapos malasap ang kanyang ikatlong pagkatalo sa submission.

Ang dating propesyonal na boxer na si Roy Doliguez ay nabigo naman sa flyweight division kontra sa Japanese fighter na si Asuka Mikami. Bitbit ni Doliguez ngayon ang 6-3 karta habang si Mikami ay may 12-3-2 kartada.