BUKAS ang unang anibersaryo ng pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na isinubo sa kamatayan upang mahuli ang teroristang si “Marwan” at kasamang si Basit Usman. Marahil ay nagbibiling-baligtad sa kanilang libingan ang SAF 44 na tumupad sa kanilang tungkulin upang salubungin lamang ng walang patumanggang pagpapaputok ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Mamasapano, Maguindano noong Enero 25, 2015. At hanggang ngayon, wala pa ring hustisya!

Bilyun-bilyong piso ang ipinamigay ng Aquino administration sa mga mambabatas at cabinet members sa pamamagitan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP). Idineklara itong unconstitutional ng Supreme Court. Nagpamudmod din umano sina PNoy at Department of Budget and Management (DBM) Sec. Butch Abad ng tig-P50 milyon bilang “suhol” sa mga senador para ma-impeach si SC Chief Justice Renato Corona. Of course, itinanggi ito ng Malacañang.

Kung talagang ang “Boss” ni PNoy ang mamamayan, eh bakit ayaw niyang bigyan ng dagdag na P2,000 ang pensiyon ng nasa 2.15 milyong pensioners. Aba, Mr. President mas malaki pa ang mga boto ng mga lolo, lola, asawa at mga apo nila kesa sa block voting ng Iglesia Ni Cristo na sinusuyo ninyo tuwing halalan.

Alam ba ninyo mga matatanda, este Social Security System (SSS) pensioners, na ang SSS daw ay may P325 bilyong uncollected revenue na kung makukulekta lang ay sapat para maipagkaloob ang SSS increase na pinagtibay ng Kongreso, pero bineto ng pusong haciendero, ooops… ng binatang Pangulo? At alam ba ninyo na kaylalaki pala ng suweldo, allowances at bonuses ng ilang opisyal ng SSS na umabot sa P116.million noong 2014. Anak ni Barrabas, wika nga ni Ben David!

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ikinatwiran nina PNoy at ng supporters niya na mababangkarote ang SSS kapag inaprubahan ang dagdag na pensiyon. Kawawa raw ang 31 milyong SSS members. Eh, naisip ba niyang kawawa rin ang mga nakatatanda na umaasa sa pambili ng maintenance medicine, tulad nina Ka Celo Lagmay, Tata Clemen Bautista, Bing Formento at mga senior-jogger? Badya ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares: “Bigo ang SSS na kulektahin ang P325 bilyon revenues.” Sundot naman ng Commission on Audit: “Dapat kumita ang SSS ng P198.118 milyon kung ipinarenta lang ang idle assets na P17.956 billion, kabilang dito ang mahigit na 100 condominiums.” (BERT DE GUZMAN)