ANDRE AT BARBIE copy

SI Barbie Forteza agad ang ininterbyu ng entertainment press pagkatapos ng presscon ng That’s My Amboy na nagtatampok sa kanila ni Andre Paras. 

Sa Q & A ng presscon, ikinumpara kasi ang dating ni Barbie sa image ni Judy Ann Santos ng director ng That’s My Amboy na si Bb. Joyce Bernal. Kaya agad na kinuha ang reaksiyon ni Barbie.

Nagkita na ba sila ni Judy Ann nang personal? 

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Minsan pong nag-guest ako sa Eat Bulaga, nagkaroon ako ng chance makapagpa-picture kay Ate Juday na bumisita rin sa husband niyang si Kuya Ryan (Agoncillo),” sagot ni Barbie. “Ang masabi po lamang iyon ni Direk, dream come true na po iyon dahil hangang-hanga ako talaga kay Ate Juday. Sana nga po ay magkatrabaho kaming dalawa. Natatandaan ko po, dapat ay magkasama kami sa Marquina noong 2014 for Cinemalaya, kaya lang hindi po siya natuloy, si Ate Mylene (Dizon) ang gumanap sa role niya.”

Kumusta naman ang muli nilang pagtatambal ni Andre Paras na una niyang nakatambal sa katatapos lamang na top-rating afternoon seryeng The Half Sisters na tumagal ng halos two years?

“Happy and relieved na po kami pareho ni Andre sa mga iyakan scenes namin sa The Half Sisters. Mas comfortable po kami ngayon ni Andre dahil romantic-comedy ito ngayon, kaya lalong madalas magkulitan sa set dahil masasaya rin at very supportive sa amin ang cast ng mahuhusay na senior stars na sina John Arcilla, Tonton Gutierrrez (ang dalawa niyang tatay sa story) at si Ms. Donita Rose (na nanay naman niya).” 

Biniro si Barbie, paano kung ligawan na siya talaga ngayon ni Andre?

“Dapat pa bang dumaan pa sa ligawan, di ba puwedeng stage one na agad? Tweet-tweet na lang!” pabirong sagot ng dalagita. “Seriously po, work pa rin po kami ni Andre, at thankful sa GMA dahil may bago agad kaming project. 

Nakakatuwa po kasi dati, pagkatapos ng isang project, maghihintay pa kami ng two or three months bago masundan, dito, hindi pa kami tapos ng The Half Sisters,” nagti-taping na kami ng That’s My Amboy.”

Totoo nga bang paborito siya ng GMA kaya hindi siya nawawalan ng trabaho?

“Hindi po totoong favorite ako ng GMA kaya may bago agad akong project. Sabihin na po lamang natin na siguro may trust lamang sila sa akin dahil kapag nag-work ako, ibinibigay ko po ang 500% kong trabaho sa anumang role na ibigay nila sa akin. Hindi po ako nagrereklamo maliit man o malaki ang role, mahirap man o madaling role. May mga roles na rin akong nagawa na masasabing buwis-buhay, pero kinakaya ko po iyon, dahil iyon ang trabaho ko.” (NORA CALDERON)