INIMBITAHAN ni Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach ang mga Pilipino na makiisa sa kanyang grand parade at special tribute show sa kanyang pagbabalik-bansa.

“Magkikita-kita po tayo sa parada sa January 25 at sa tribute show sa Smart Araneta Coliseum on January 28,” sabi ni Pia sa panayam sa kanya ng GMA-7.

Darating si Pia, ang bagong Miss Universe ng bansa pagkaraan ng 42 taon, sa airport bukas, Enero 23. Inaasahan ang kanyang pagharap sa maikling press conference pagdating niya.

Magdaraos ni Pia ng grand homecoming parade sa Lunes, bukod pa sa courtesy calls niya sa Malacañang at sa Senado.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Lilibot ang parada sa Maynila, Makati City at magtatapos sa Araneta Center sa Cubao, Quezon City.

Sa Martes, magsasagawa naman si Pia ng courtesy calls sa Kamara at sa tanggapan ng ilang alkalde.

Kinabukasan, Enero 27, naka-schedule naman ang kanyang charity works.

At sa Huwebes, Enero 28, makakasama si Pia sa grand homecoming show sa Smart Araneta Coliseum.

Samantala, sa naunang panayam ay sinabi na ni Pia na pinaka-excited siya sa dadaluhan niyang kasal ng kanyang best friend na si Pauleen Luna. Ikakasal ang aktres sa actor-TV host at kasamahan sa Eat Bulaga na si Vic Sotto sa Enero 30.

Si Pia, 26, ang bridesmaid ni Pauleen. (ROBERT REQUINTINA)