Laro Ngayon
Quezon Convention Center-Lucena City
7 p.m. – San Miguel vs Alaska (Game 3)
Alaska, ikakasa ang ikatlong sunod na panalo.
Sa kabila ng taglay na kalamangan sa best-of-7 finals series nila ng San Miguel Beer, alanganin pa rin sa kanilang tsansa ang Alaska na makamit ang inaasam na titulo ng 2016 PBA Philippine Cup.
Ngayong gabi, ganap na 7:00 sa Game Four ng serye na idaraos sa Quezon Convention Center sa Lucena City, tatangkain ng Aces na maiposte ang bentaheng 3-0 sa muli nilang pagtutuos ng Beermen sa kabila ng kumakalat na balitang maglalaro ang pambato nitong sentro—ang reigning MVP na si Junemar Fajardo.
Hindi nakapaglaro si Fajardo sa unang dalawang laban ng finals series dahil sa natamong injury sa tuhod noong nakaraang semifinals series nila ng Rain or Shine.
“Try ko sa Sunday lumaro.Pero depende, titingnan ko kung anong improvement,” pahayag ni Fajardo sa panayam sa kanya ng Spin.ph.
Ngunit nauna nang sinabi ni Beermen coach Leo Austria na handa silang isakripisyo ang kampeonato huwag lmang malagay sa alanganin si Fajardo na itinuturing niyang “future of the PBA” at “future of Philippine Basketball”.
Sa kampo ng Aces, nakahanda lamang sila anuman ang mangyari sa kanila ng San Miguel Beer.
Hindi nagbabago ang kanilang paniniwala na hindi naman pinasubalian ng Beermen sa unang dalawang laro, na nariyan o wala si Fajardo ay mahirap na kalaban ang defending champion.
“Malayo pa e. Hindi pa ri namin ma-sense. Kasi ang hirap kalaban ng San Miguel. Kahit wala si Junemar, sobrang hirap pa rin kami.Kaya kailangan talaga namin silang paghandaan,” pahayag ng Game Two hero na si Vic Manuel.
Kaya naman, lumaro man si Fajardo o hindi, sisikapin ng Aces na manalo at lumapit sa asam nilang unang All-Filipino Conference crown.
“Maka-isa man lang kami, kasi tatlong beses na kaming nagtuos sa finals, pangatlo ngayon. Nakadalawa na sila, kaya dapat maipanalo namin ngayon ito.” dagdag pa ni Manuel. (MARIVIC AWITAN)