‘Tila eksena sa isang action movie ang kinahinatnan ng isang holdaper matapos siyang pagbabarilin at mapatay ng mga pulis, makaraang tangkain niyang hagisan ng granada ang mga ito sa halip na sumuko sa Valenzuela City, kamakalawa.

Ayon kay Senior Insp. Ed Nepay, hepe ng Police Community Precinct (PCP) 2, dead on the spot si Bernardino Muñoz, 21, ng No. 6109 Santos Compound, Upper Tibagan, Barangay Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Napilitan namang sumuko ang kasamahan nito na si Jorge Brozo, 37, ng Block 1, Sitio Kabatuhan, matapos makitang nakabulagta si Muñoz.

Bago ang insidente, hinoldap ng mga suspek ang estudyanteng si Adam Sewane, 21, sa harap ng Burger House sa Gen. T. De Leon Road, at tinangay ang cell phone at iba pang gamit ng biktima, dakong 11:30 ng tanghali noong Lunes.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Nakatakas ang dalawa kahit pa hinabol ng mga residente at ang sunod nilang hinoldap ay si Mark Lester Nicolas, 22, makaraan nilang pasukin ang tindahan ng biktima.

Sinaksak sa likod ng mga suspek si Nicolas matapos manlaban saka mabilis na tumakas, habang ang mga narooon ay dinala ang biktima sa Valenzuela Medical Center.

Sa pamumuno ni SPO1 Celes Castro ng PCP 2, dakong 1:00 ng hapon ay sinalakay ang bahay ng mga suspek.

Ngunit sa halip na sumuko, tinangka pa umano ni Muñoz na ihagis ang hawak na granada, pero pinagbabaril siya ng awtoridad.

Kinasuhan si Brozo ng robbery with physical injuries at paglabag sa election gun ban. (Orly L. Barcala)