Sinisiyasat ng Las Piñas City Police kung “inside job” ang panghoholdap ng apat na lalaking nagpanggap na customer sa isang botika sa lungsod, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na tinanggap ni Las Piñas Police chief, Senior Supt. Jemar Modequillo, dakong 3:00 ng umaga nang holdapin ng apat na armadong suspek ang sangay ng South Star Drugs sa J. Aguilar Avenue, Pulang Lupa 2.

Magkakasunod na pumasok sa drug store ang apat na suspek at isa sa kanila ang bumili ng gamot. Nang iabot ng tindera ang biniling gamot, biglang bumunot ng baril ang mga ito at nagdeklara ng holdap.

Walang nagawa ang guwardiya ng botika na si Fernando Velasco nang tutukan siya ng baril ng mga holdaper at sapilitang agawin ang kanyang .38 caliber revolver, bukod pa sa kinuha ng mga suspek ang isang Samsung cellular phone ng tinderang si Queen Lyka Cagulada, at P6,000 cash na maghapong kinita ng drug store.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tinangka pa ng mga suspek na buksan ang vault ng botika subalit nabigo ang mga ito dahil wala ang susi nito sa mga tindera kaya napilitan silang lumabas na ng establisimyento at simpleng naglakad palayo sa lugar.

Sinusuri na ng pulisya ang closed circuit television (CCTV) footage para matukoy ang mga salarin. (Bella Gamotea)