TALAVERA, Nueva Ecija - Dahil sa bibilhing palayok, mahigit P1.1 milyon ang natangay mula sa isang 67-anyos na negosyante makaraang mabiktima ito ng “Budol-Budol” gang noong Biyernes ng hapon, sa Barangay Matias sa bayang ito.

Sa ulat na ipinarating ni Supt. Roginald A. Francisco, OIC ng Talavera Police, kay Senior Supt. Manuel Estareja Cornel, Nueva Ecija Police Provincial Office director, nakilala ang biktima na si Ofelia Nocum y Vicencio, ng Bgy. Andal Alino, sa bayang ito.

Sa salaysay ng biktima kay PO2 Gilbert Dizon, dakong 11:00 ng umaga at bibili ng palayok ang biktima sa Friendship Supermarket nang lapitan ng mga hindi nakilalang suspek, na binubuo ng dalawang babae at dalawang lalaki.

Matapos bolahin, nakumbinse ang biktima na sumakay sa kotse ng mga suspek hanggang sa hikayatin siya ng mga ito na kunin sa kanyang bahay ang kanyang mga alahas, na nagkakahalaga ng P1 milyon, P11,000 cash, bukod pa sa inutusan siyang mag-withdraw ng P150,000 cash sa bangko. (Light A. Nolasco)
Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito