Hindi natinag hanggang sa huli si Jenel Lausa sa kanilang matinding bakbakan ni Crisanto Pitpitunge upang makamit ang asam na flyweight belt sa Pacific X-Treme Combat sa PXC 51 na ginanap noong Sabado ng gabi sa Solaire Grand Ballroom sa Pasay City.

Nakaiskor ng “split decision victory” ang “Ilonggo fighter” kontra sa nakatunggaling “Baguio native” upang maitala ang kanyang ikaapat na sunod na panalo.

“Sobrang saya,” pahayag ni Lausa makaraan ang kanyang panalo. “Sa challenger ko, paghahandaan natin yan.”

Dahil sa panalo, binigo din ni Lausa si Pitpitunge sa asam nitong maging unang “two-division champion” sa Asia-Pacific top MMA outfit matapos na kapusin ang dating “bantamweight title holder” sa kanyang laban sa flyweight class.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Dalawang hurado ang nagbigay ng iskor na 48-47 para kay Lausa habang ang isang hurado ay pumabor sa pulis-Baguio na si Pitpitunge.

Umangat ang rekord ni Lausa sa 5-2, panalo-talo habang naputol naman niya ang “three-fight win streak” ni Pitpitinge na nalasap ang ikaapat na pagkabigo sa 12 laban.

Naagaw naman ng Korean na si Kwan Ho Kwak ang titulo ng dating “bantamweight titlist” na si Kyle Aguon sa pamamagitan ng unanimous-decision sa co-main event.

Naiiwan pa ang “South Korean challenger” sa puntos nang kumonekta ang kanyang “right jab” na siyang nagpatumba kay Aguon na sinamantala ng una para tuluyan siyang igupo at maangkin ang panalo. - Angie Oredo