Sinimulan na ng Land Transportation Office (LTO) ang pag-iimbentaryo sa mga driver’s license card upang matukoy kung saang rehiyon napunta ang ilang nawawalang supply nito.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Roberto Cabrera, sinasamantala na nila ang panahong nakabimbin ang kasong kinakaharap ng ahensiya sa Manila Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng usapin ng kontrata sa license card sa pribadong kumpanya na nagsu-supply nito.
Aniya, layunin din nito na mapadali ang pagpapalabas nila ng naturang lisensiya kapag nalutas na ang usapin sa inilabas na ruling ng hukuman na nagpapatigil ng pagkakaloob ng kontrata at pagbabayad ng driver’s license card sa Allcard Philippines, Inc.
Matatandaang inulan ng batikos ang LTO nang maantala ang pagpapalabas nito ng mga bagong car plate at sticker nang makitaan sila ng butas ng Commission on Audit (CoA), kaya naman ipinahinto rin sa ahensiya ang implementasyon ng license plate standardization program nito. - Rommel P. Tabbad