gloc 9 copy

Ni REGGEE BONOAN

SIMULA nang makilala namin si Gloc-9 ay hindi pa namin siya nakitaan ng pagbabago, mula sa pananalita hanggang sa pananamit ay napakasimple kahit super sikat na.

May mga nakilala kasi kaming ibang rapper na simple lang dati pero nang magkapangalan ay nag-iba na ang itsura at pananalita.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Sa launching ng bagong single ni Gloc 9 na Pareho Tayo, ipinaalam niya na libre itong maa-upload sa official Sound Cloud account niya (soundcloud.com/glocdash9).

Umabot daw kaagad sa 600 downloads simula nang i-post niya ito at umabot naman sa 8,000 ang nakinig na rito.

“Kapareho ng songs na una kong nasulat, ito po ay kanta tungkol sa buhay ng mga Pilipino,” kuwento ni Gloc 9. “Lagi kong sinasabi na tayo ay natoka na tumira at maging mga Pilipino sa Pilipinas. Kahit saan tayong bansa pumunta o manirahan, I feel na hindi ka magiging mas masaya kesa sa pagiging masaya rito sa Pilipinas. It’s about na kahit magkakaiba tayo ng antas sa buhay, somehow, sa dulo po ay pare-pareho rin tayo.”

Maganda ang katwiran niya nang tanungin kung bakit pinapayagan niyang ma-download nang libre ang kanta niya samantalang ang iba ay nagpapabayad.

“Alam n’yo ho ‘pag nagmo-mall show ako, ‘yung product na ‘binebenta namin ay worth P550, right after the mall show magsa-sign ako ng mga bumili po. Honestly, nanlalambot ang mga tuhod ko kapag nakakita ako ng isang bumili at nanood ng mall show pero nakita ko na hindi naman siya nakakaangat sa buhay. Minsan may magpapa-sign sa akin na humahangos pa na hindi na nakapanood ng mall show pero bumili ng product para lang ma-meet ako in person.

“Alam ko ‘yung ipinambayad niyang P550 ay pinaghirapan niya at talagang ‘tinabi niya. I think, napapanahon naman na magbigay ako ng libreng kanta para sa kanila. So, sabi ko, ito po, puwede ninyong i-download nang libre, ngayon na, sobrang laking bagay po ito.”

Ipinagpapasalamat ni Gloc 9 na palaging nakasubaybay sa kanya ang mga supporter niya may bayad man o wala ang mga produkto niya.

Noong nakaraang taon, naglabas siya ng kanta niyang Payag na tungkol sa pulitika. May nagustuhan na ba siyang kandidatong iboboto niya sa nalalapit na eleksyon?

“Lahat naman po tayo pagdating ng elections ay pipili ng kandidato, at siguro po, iisipin ko ‘yan kapag malapit na malapit na. Nag-start na rin po akong mag-research,” sagot ng sikat na rapper.

Nabanggit nga ba niya na si Davao City Mayor Rodriguo Duterte ang gusto niyang suportahan?

“Lagi ko pong sinasabi, regardless po ng mga naglalabasan, sabi ko nga, pagdating sa botohan, pag-upo po natin ay pipili po tayo. Hindi po ako puwedeng magsalita nang tapos ngayon dahil baka po pagdating sa botohan mismo ay magpalit ang isip ko. Ang sinabi ko noon, I think, natutuwa ako sa kanyang pamamalakad sa Davao, but I didn’t say na siya ang iboboto ko,” pagtutuwid ni Gloc 9.

Nilinaw din niya na walang kandidatong lumalapit sa kanya para hingin ang suporta niya. At binanggit na kung sinuman sa mga kandidato ang makakapag-provide ng health care sa mahihirap ay may plus points sa kanya.

“Graduate po ako ng nursing at nakita ko sa mga kababayan natin ni isandaang piso ay wala sa bulsa para maipagpagamot nila. May instance nga po before na nasa OB-Gyne section ako sa isang ospital, may 39 year-old na ale na nanganak ng pang-anim niyang anak. At ang lima niyang anak ay ipinanganak na normal sa bahay.

“Itong pang-anim ay umabot ng 8.5 lbs at limang araw na siyang nagbi-bleed, dumating siya sa hospital na maputla na at wala siyang pambayad ng dugo, nagmamakaawa nga siya sa amin na bigyan na siya ng dugo, magbabayad naman daw sila kapag nagkapera sila.

“Literally, ‘yan ang reality sa nurses na naka-expose sa ganu’n, nagiging manhid na sila. So, dumating ‘yung asawa nu’ng ale at tinanong ng doktor kung may pera siyang pambili ng dugo at sinabihang, ‘lapitan mo na asawa mo dahil mamatay na ‘yan.’

“Good thing, nu’ng tinanong ‘yung asawa kung anong tipo ng dugo niya at hindi nga niya siyempre alam kasi walang perang pangpa-blood test at nu’ng i-check, nag-match sila ng asawa, so sinalinan siya.

“Isa lang ito sa instances na nagamit ko sa pagsulat ng kanta dahil doon, na-realize ko na kung mayroong isang kandidato na magbibigay ng health care na maayos sa mahihirap ay may plus sa akin.”

O sa lahat ng kumakandidato sa darating na eleksyon, health care ang tanging hiling ni Gloc 9.