Inatasan ni Philippine Olympic Committee (POC) President Jose Cojuangco ang lahat ng mahigit 52 miyembro ng National Sports Associations (NSA’s) na isumite ang listahan ng kanilang mga atleta, baguhan man o hindi sa gaganaping General Assembly meeting sa Wack-Wack Golf Club sa susunod na buwan.
Ipinasusumite ni Cojuangco ang mga pangalan ng mga bagong diskubreng atleta dahil sa hangarin nilang baguhin ang kasalukuyang sistema sa ipinapadalang delegasyon ng mga NSA’s sa international competitions kung saan mahigit lima hanggang anim na buwan lamang ang mga itong nagsasanay bilang paghahanda.
Ito ay matapos na makipagpulong si Cojuangco sa lima kataong PSC Board na nagpahayag ng plano nitong pag-lay-off sa mga pambansang atleta na walang sasalihan na international tournaments ngayong 2016 hanggang sa susunod na taon.
Ipinahayag ng 82-anyos na si Cojuangco na hindi mga makina ang mga atleta na kinakailangan lamang paandarin kung kailan gagamitin sa iba’t-ibang kompetisyon.
Idinagdag ni Cojuangco na hangad ng POC na makakuha ng mga pribadong sponsor para sa mga maaapektuhang mga atleta na sasabak naman para sa Team Pilipinas sa darating na 2017 Kuala Lumpur SEA Games, World Beach Games, Asian Indoor Games at iba pang torneo.
Nauna na itong ginawa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) sa ilalim ng pangulo at POC Chairman na si Tom Carrasco na pumili ng apat na kampeon sa Batang Pinoy mula sa Cebu.
Ang apat na kabataan ay ilalahok nito sa isang “international training camp” ngayong buwan bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa paglahok sa 2017 Asian Youth Games at sa 2018 Youth Olympics sa China. (ANGIE OREDO)