Sinimulan na ng Department of Health (DoH) ang imbestigasyon sa napaulat na mass food poisoning sa isang paaralan sa Makati City, na naging dahilan sa pagkakaospital ng 125 mag-aaral ng Pio Del Pilar Elementary School nitong Huwebes.
Sa isang pahayag, sinabi ni Health Secretary Janette Garin na nangolekta na ang Food and Drug Administration (FDA) ng samples ng mga biskuwit, na pinaniniwalaang sanhi ng pagkakasakit ng mga mag-aaral.
Matapos makalabas sa ospital ang mga biktima, tiniyak ng kalihim na magpapatuloy ang monitoring ng DoH sa lagay ng kalusugan ng mga estudyante hanggang sa matukoy ng kagawaran ang tunay na sanhi ng pagkalason ng mga bata.
Napaulat na dumanas ang mga bata ng pagkahilo, nagsuka, at sumakit ang tiyan matapos kumain ng biskuwit sa agahan na nagmula sa kantina ng paaralan.
Sinabi naman ni Dr. Bernard Sese, officer-in-charge ng Makati Health Department, na ibinigay na ang samples ng biskuwit, maging ang flavored juice drink, tikoy, pulburon, at iba pang pagkain mula sa kantina sa FDA at sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para suriin.
Samantala, ikinalungkot naman ng Rebisco ang insidente, at tiniyak na magsasagawa rin ang kumpanya ng sariling imbestigasyon sa nangyari at makikipagtulungan sa awtoridad upang resolbahin ito.
Pansamantala namang ipinatigil ang operasyon ng canteen ng eskuwelahan habang isinasagawa ang imbestigasyon.
(Samuel Medenilla at Bella Gamotea)