Umaapela ang Department of Trade and Industry (DTI) ng rollback sa Suggested Retail Prices (SRP) ng mga pangunahing bilihin kaugnay sa pagbaba ng presyo ng langis.

Ipinakita sa data mula sa Department of Energy na malaki ang ibinaba ng retail prices ng langis noong 2015 katumbas sa 25.81 porsiyentong pagbaba sa presyo ng diesel, 13.12% sa fuel oil, at 4.27% sa liquefied petroleum gas (LPG).

“It is high time to pass on to the consumers the savings incurred by the manufacturers, distributors and retailers of basic and prime goods from lower transportation and distribution cost by reducing their prices,” sabi ng katatalagang si DTI Secretary Adrian S. Cristobal, Jr.

Batay sa assessment ng DTI, ipinaliwanag ni Consumer Protection Group Undersecretary Atty. Victorio Mario A. Dimagiba na ang pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo ay katumbas ng pagbaba sa SRP ng mga pangunahing bilihin ng 0.05% hanggang 3.04% o P0.01 hanggang P26.46.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ito ay nangangahulugan na ang de latang sardinas ay maaaring bumaba ng P0.14 bawat lata, evaporated milk ng P0.29 bawat lata, condensed milk ng P0.40 bawat lata, powdered milk ng P0.38 bawat pakete, coffee refill ng P0.31 bawat pakete, instant noodles P0.08 bawat pakete, corned beef ng P0.26 bawat lata, harina ng P26.46 bawat sako, at semento ng P1.48 bawat sako.

Sa mga produktong agrikultural sa ilalim ng basic at prime goods, makikipagpulong ang DTI sa Department of Agriculture sa Martes, Enero 19, upang talakayin ang mga hakbang upang ibaba ng mga producer, magsasaka, dealer, at middlemen ang presyo ng mga fresh produce gaya ng gulay, isda, manok, baboy, karne, at prutas.

Nakatakda ring pulungin ng DTI ang National Price Coordinating Council (NPCC) sa katapusan ng buwan. Ito ang magiging unang NPCC meeting na pamumunuan ni Secretary Cristobal. (PNA)