Matapos magwagi ng gintong medalya sa Incheon Asian Games ay tuluyan nang iniwanan ni Filipino-American Daniel Patrick Caluag ang mundo ng BMX cycling.

Hindi na lalahok si Caluag sa mga qualifying events para sa 2016 Rio De Janeiro Olympics.

Ito ang ipinaalam ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) sa pamamagitan ng isang liham sa Philippine Sports Commission (PSC) National Sports Associations (NSA) Affairs Office.

Nakasaad sa liham na mismong si Caluag ang nagsabing kinakailangan nitong ilaan ang kanyang panahon sa kanyang pamilya at pinapasukang trabaho bilang isang registered nurse kung kaya hindi na nito makakayanan na makalahok pa sa mga nakatakdang qualifying events upang makapagkuwalipika sa Rio Olympics.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Dahil sa naging desisyon ni Caluag, ipinakansela na ni Cavite 7th District Representative at PhilCycling president Abraham “Bambol” Tolentino na ang nauna nang inaprubahang tseke ng PSN na nagkakahalaga ng mahigit P474,000 para sana sa paglahok ni Caluag sa mga torneo.

“This is to request the cancellation of the PSC issued check No. 0000155734 amounting to Php 474,636.50 for BMX Qualifying Race of Daniel Caluag,” nakasaad sa sulat ni Tolentino. “The Philcyclng submitted budget for the BMX Olympic qualifying race for Daniel Caluag intended for 2015 BMX schedule races.”

BR No. 050 (D)-2015 by the PSC with the amount of the Php 474,636.50, this check will not serve the purpose and the PhgilCylcing requesting your good office to cancel this check and let he amount be subjected to realign for other PhilCycling activities”.

Kinatawan ni Caluag ang Pilipinas sa BMX event ng 2012 Summer Olympics matapos tanghaling No.1 sa Asia ngunit agad itong napatalsik sa qualifying heats.

Nagawa naman nitong magwagi ng gintong medalya sa men’s elite noong 2013 Asian BMX Cycling Championships sa Singapore at noong Oktubre 1, 2014 ay sinagip ang kampanya ng Pilipinas sa pagsungkit sa nag-iisang gintong medalya ng delegasyon ng Pilipinas sa BMX Cycling sa 17th Asian Games 2014 sa Incheon, South Korea.

Dahil sa kanyang nagawa ay kinilala si Caluag bilang 2014 Athlete of the Year ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Awards Night.

Kasalukuyang nakatira si Caluag sa Lexington ,Kentucky,USA kasama ang asawa na si Stephanie at ang kanilang anak na si Sydney. Si Caluag at asawa nito ay nagtapos sa kanilang nursing degree sa Lindsey Wilson College sa Lexington noong Marso 2015 at kasalukuyang nagtatrabaho sa UK HealthCare sa Lexington. (Angie Oredo)