Coco Martin (3) copy

“MAS marami nga pong nagagandahan sa akin kaysa naguguwapuhan,” nakangiti at naniningkit ang mga matang sabi ni Coco Martin tungkol sa papel niya bilang si Paloma sa aksiyon seryeng FPJ’s Ang Probinsyano sa kanyang thanksgiving presscon noong Huwebes para sa malaking tagumpay ng The Beauty and The Bestie nila ni Vice Ganda sa nakaraang Metro Manila Film Festival 2015.

 

Napakarami ngang naakit sa gandang babae ni Coco nang lumabas ang photos niya as Paloma. Kasi naman maliit ang mukha niya, ang liit din ng mga labi at matangos ang ilong, bukod pa sa maganda ang katawan, walang muscles at maliit pa, kaya girl na girl siya.

Human-Interest

ALAMIN: Mga inisyatibo ng NCCA sa pagpapakilala ng kultura ng mga katutubo

Natawa ang aktor nang tanungin kung ano ang reaksiyon ni Julia Montes sa itsura niya as Paloma.

“Hindi pa po kami nag-uusap, baka nga po nati-threaten na sa akin ‘yun,” sabay bungisngis.

 

Humirit pa ulit si Coco ng, “Di ba parati ninyong ‘tinatanong kung may girlfriend ako, so alam n’yo na.”

 

Oo nga naman, baka nagbago na ng preference si Coco, ha-ha-ha, bagamat malabong mangyari dahil malayung-malayo ang kilos niya sa bestie niyang si Vice. Maski na siguro parati silang magkasama, hinding-hindi mahahawa ni Vice ang morenong aktor.

 

Samantala, ang Beauty and The Bestie ang number one sa nakaraang MMFF sa kinita nitong P492M (gross) as of January 13. Ito na rin ang may hawak ng record bilang highest grossing Filipino film of all time.

Hindi itinanggi ni Coco na kabado siya noong una sa pagtatambal nila ni Vice.

  

“Siyempre, kino-congratulate ko ang best friend ko, sabi ko, at least, dire-diretso. Sa totoo lang, ang pressure po, nasa akin. Natakot ako, kasi siyempre, lagi siyang number one and then, ang unang pagta-tandem namin, natatakot naman ako na baka doon pa siya hindi maging number one or ‘yun pa ang maging pinakamahinang pelikula niya,” kuwento ng aktor.

 

“’Yung pagkakaibigan kasi namin ni Vice, hindi lang dahil sa proyektong ito or dahil nasa showbiz kami. Kung baga, ‘yung personal naming buhay bilang magkaibigan and then, at the same time, tumawid siya sa trabaho namin at napagtagumpayan naming magkasama ang pelikulang ito,” say pa ng aktor.

 

Ikinalulungkot lang ni Coco na iniintriga ang pelikula nila na nandaya raw, dahil may nagki-claim na ang totoong number one sa MMFF ay ang My Bebe Love nina Vic Sotto at Ai Ai de las Alas.

“’Yun nga po, nakarating din sa akin ang isyung ‘yun. Ang sa akin naman po, definitely, sasabihin ko, hindi po totoo ‘yun. At kung anuman po ‘yang sinasabi nilang anomalya, huwag po kayong mag-alala dahil paiimbestigahan po natin kay Cardo,” natawang sabi ng aktor.

 

Si Cardo ang papel ni Coco sa Ang Probinsiyano pero mas marami na ang tumatawag sa kanya ngayon ng Paloma.

 

Likas na mabait talaga si Coco, dahil ang sabi pa, “Sana po ang mas mangyari na lang sana, gumagawa tayo ng pelikula lalo na kapag Metro Manila Film Festival para mabigyan natin ng regalo ang mga tao, upang mapasaya sila, hindi po para makipag-compete kung sino ang number one, number two o sino ang mas malakas at mas mahina. Sana po, ginagawa natin ‘to para sa mga tao. Kasi ang pangit po na nasa maliit tayong industriya, ‘tapos nag-aaway po tayo.”

 

At open si Coco na magkaroon ng sequel ang Beauty and The Bestie sa MMFF 2016.

 

Samantala, masayang ikinuwento ng aktor ang paglapit at pagpapasalamat sa kanya ng isang babaeng opisyal ng Philippine National Police nang magtungo siya sa Camp Crame, dahil sa statistics daw ay bumababa ang crime rate tuwing palabas na ang Ang Probinsyano.

Ibig sabihin, lahat ng mga pasaway ay nanonood muna ng nasabing serye.

 

In fairness, mala-Manny Pacquiao na pala si Coco.

 

Kaya kumpirmado ang sinulat namin last week na hanggang Hulyo pa eere ang serye ni Coco.

 

Idea ni Coco ang concept na mag-ala-Taken (pelikula ni Liam Neeson) ang umeereng kuwento ngayon sa Ang Probinsyano kaya kinidnap si Carmen (Bela Padilla) para ibenta sa mga negosyanteng mahilig sa laman.

 

At para malutas ito ay kinailangang maging babae si Cardo, kaya siya naging Paloma na umaaktong prosti, pero mukhang mabubulilyaso na siya dahil nabuking ni Onyok ang itinatago niyang wig at damit pambabae sa ilalim ng kama nila at nakita rin ng lola niyang ginagampanan ni Ms. Susan Roces. (Reggee Bonoan)