Hindi akalain ng isang street vendor na ang kanyang pagsusumikap na maghanap-buhay upang may maipakain sa kanyang pamilya ang magiging mitsa ng kanyang kamatayan matapos siyang masagasaan ng isang truck habang nagtitinda ng mineral water sa Ermita, Manila nitong Miyerkules ng gabi.
Lasug-lasog ang katawan ni Josefina Gadjani, residente sa naturang lugar matapos siyang pumailalim at magulungan ng truck na minamaneho ni Allan Laggui.
Agad na sumuko si Laggui sa awtoridad at nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.
Batay sa ulat ng Manila Traffic Bureau, dakong 11:00 ng gabi nang mangyari ang aksidente sa P. Burgos Street.
Nagtitinda umano ng mineral water si Gadjani nang mahagip siya ng truck (RMU-208) na pakaliwa sa P. Burgos Street mula Bonifacio Drive.
Ayon kay Laggui, hindi niya napansin ang biktima dahil madilim sa lugar.
Nabatid na nalaman lang ni Laggui na may naaksidente siya nang may magsigawan kaya agad niyang inihinto ang truck, at matuklasang naipit pa sa gulong ang biktima.
Aminado naman ang mga kaanak ni Gadjani na nakainom ito bago magtinda dahil problemado sa pamilya at sa pera.
(Mary Ann Santiago)