Sa halip na isa gaya ng nakagawian, tatlong kampeon ang kikilalanin ngayong taon sa pagsikad ng pinakaaabangang pinakamalaking karera ng bisikleta sa bansa na Ronda Pilipinas sa gagawin nitong pagtahak sa mga dinarayong lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Nakatakdang umpisahan ang Ronda ngayong taon sa pamamagitan ng paunang limang leg na sa Mindanao simula sa Pebrero 20 hanggang 27 mula Butuan City patungo sa Cagayan de Oro na dadaan ng Malaybalay,Bukidnon.

Matapos ang limang yugto sa Mindanao sa Pebrero ay magtutungo naman sila sa Visayas sa Marso bago ang pinakahuling bahagi na idaraos naman sa Luzon sa Abril.

Mag-uumpisa ang karera sa pamamagitan ng isang road race sa Butuan City na susundan ng isang criterium race sa parehas ding araw.Idaraos naman kinabukasan-Pebrero 23 ang second stage sa Cagayan de Oro na susundan ng isang time trial na gaganapin sa Manolo Fortich sa Pebrero 25 at magtatapos sa isa uling criterium na gagawin sa Malaybalay sa Pebrero 27.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sisimulan naman ang Visayas leg sa pagsasagawa ng isang criterium sa Bago City sa Marso 11, na susundan ng Stage Two criterium sa Iloilo City sa Marso 13, isang road race sa Stage Three mula Iloilo hanggang Roxas City sa Marso 15, isa uling criterium sa Stage Four at Individual Time Trial sa Stage Five na parehas idaraos sa Marso 17.

Uumpisahan din ang Luzon leg sa pamamagitan ng criterium sa Paseo de Sta. Rosa sa Abril 3, isang ITT mula Talisay paakyat sa Tagaytay sa sunod na araw, criterium sa Antipolo City sa Abril 6, road race mula Dagupan paakyat sa Baguio sa Abril 8 at pinakahuling criterium sa Abril 9 sa Baguio City.

“We want each cities, towns and provinces we visit to have a chance to see our riders and our race the whole day,” ayon kay Ronda sports development head Moe Chulani. ““Aside from the open elite division, we still have the Under-23 category because we believe that somewhere out there, there are gems in the rough waiting to be discovered.”

(ANGIE OREDO)