Maghihigpit sa panghuhuli ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pribadong motorista na gumagamit ng yellow lane sa EDSA simula sa Enero 18.
Sa nasabing petsa, titiketan ng MMDA personnel ang mga pasaway na motorista na gumagamit ng yellow lane mula sa Shaw Boulevard sa Mandaluyong City hanggang sa southbound lane sa Guadalupe sa Makati, at planong ipatupad ito sa buong EDSA.
Sa ilalim ng ordinansa, ang yellow lane ay eksklusibong itinalaga sa mga pampublikong sasakyan, tulad ng bus at hindi ito maaaring gamitin ng mga pribadong sasakyan.
Ang Yellow Lane policy ay unang ipinairal noong panahon ni dating MMDA Chairman Bayani Fernando.
Subalit nang magpalit ang administrasyon, dumami ang pasaway na pribadong motorista na sumasakop sa yellow lane kahit ito’y ipinagbabawal.
Batay sa monitoring ng MMDA, simula sa Shaw Boulevard hanggang sa Guadalupe ay matindi ang traffic tuwing umaga bunsod ng pagsakop ng mga pribadong behikulo sa yellow lane.
Patuloy ang ahensiya sa pagpapaluwag sa mga lane para sa mga bus upang maging mabilis ang pamamasada na kumbinyente sa mga pasahero nito. (Bella Gamotea)