DINALAW ng kanyang pamilya si Mary Jane Veloso, ang Pinay na nasa death row sa Indonesia, nitong Martes para sa ipagdiwang ang kaarawan nito, habang buo naman ang paniniwala ng kanyang mga tagasuporta na ipoproklama siyang inosente sa krimeng ibinibintang sa kanya at kalaunan ay tuluyang makakaligtas sa pagbitay sa pamamagitan ng firing squad.

Muling nakapiling ni Mary Jane ang kanyang mga magulang at ang dalawa niyang anak sa isang piitan sa Yogyakarta dalawang araw makalipas ang kanyang kaarawan, at hinandugan siya ng mga regalo at mga liham mula sa kanyang mga tagasuporta sa Pilipinas.

Ginawaran ng temporary reprieve ang 31-anyos na bilanggo noong Abril ilang sandali bago siya bitayin, kasama ang walong iba pang hinatulan ng kamatayan dahil sa pagbibiyahe ng ilegal na droga, kabilang ang pitong dayuhan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Inihayag naman ng gobyerno ng Indonesia, na isa sa mga bansang matindi ang pagpaparusa sa mga sangkot sa ilegal na droga, na nananatili pa rin ang hatol na kamatayan kay Mary Jane.

Ngunit iginigiit ng kanyang mga tagasuportaa na inosente si Mary Jane at nilinlang lamang upang bitbitin ang isang maleta na naglalaman ng 2.6 kilo ng heroin.

“We are very hopeful. We believe we can set her free, as it’s very clear that she is innocent,” sinabi ni Laorence Castillo, miyembro ng Filipino migrant workers organization na Migrante International sa AFP.

Hinatulan ng kamatayan si Mary Jane matapos siyang maaresto noong 2009, ngunit ginawaran ng temporary reprieve matapos na madakip sa Pilipinas ang babae na hinihinalang nag-recruit sa kanya.

Sinabi ni Castillo na nagpapatuloy ang mga legal na proseso sa Pilipinas laban sa sinasabing nambiktima kay Mary Jane, at magpapatuloy ang pagdinig sa Pebrero.

Nilinaw naman ng tagapagsalita ng tanggapan ng attorney general ng Indonesia sa AFP na nananatili pa rin ang sentensiya kay Mary Jane.

“In Indonesia, her status is still as a death row convict. There has been no new updates, the situation is still the same,” ayon sa tagapagsalitang si Amir Yanto.

Sinabi ni Yanto na may posibilidad na matuloy na ang pagbitay ngayong 2016, bagamat hindi pa itinatakda ang petsa para rito. (Agence France Presse)