ravena_1_221115 copy

Nanguna ang mga Most Valuable Player na sina Kiefer Ravena ng Ateneo at Allwell Oraeme ng Mapua sa mga nahirang upang bumuo ng 2015 Collegiate Mythical Five na nakatakdang parangalan sa darating na UAAP-NCAA Press Corps and Smart Sports Collegiate Basketball Awards sa Enero 26 sa Saisaki-Kamayan sa Greenhills.

Makakasama nina Ravena, ang UAAP Season 78 MVP at Oraeme, ang NCAA Season 91 MVP sina Far Eastern University forward Mac Belo, University of Santo Tomas offguard Kevin Ferrer at University of Perpetual Help guard Scottie Thompson para sa 2015 batch bilang pagkilala sa kanilang outstanding performances sa nakaraang collegiate season.

Napanalunan ni Ravena ang kanyang ikalawang sunod na UAAP MVP award sa kanyang huling taon para sa Ateneo habang pinangunahan naman ni Oraeme ang season host Mapua sa unang nitong NCAA Final Four appearance mula noong 2010 sa pamamagitan ng itinala niyang series ng double-double performances.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Winakasan ni Belo ang kanyang collegiate career sa pamamagitan ng di malilimutang laro kung saan pinangunahan niya ang FEU na makopo ang una nitong kampeonato makalipas ang sampung taon na naging susi rin upang mahirang siyang Finals MVP.

Bagamat natalo naman ang kanilang koponan sa Tamaraws sa Finals, hindi naman matatawaran ang ipinakitang performance ni Ferrer sa kanya ding huling taon sa Tigers matapos siyang pumangalawa kay Ravena sa MVP race.

Hindi naman nagdalawang isip ang lahat ng mga miyembro ng NCAA Press Corps sa pagpili sa tinaguriang “NCAA Triple Double Machine” na si Thompson na ngayon ay naglalaro na para sa Ginebra sa PBA,sa kabila ng kabiguan ng kanyang koponang University of Perpetual na pumasok ng Final Four dahil sa kanyang performance na halos nahigitan pa ang kanyang ipinakita nang magwagi siyang MVP noong 2014.

Sa limang manlalarong ito, pipiliin ang itatanghal namang Smart Player of the Year na ibubunyag sa mismong araw ng awards rites.

Kasama nilang pararangalan sina FEU coach Nash Racela at dating Letran coach at ngayo’y La Salle coach Aldin Ayo bilang Coach of the Year, gayundin sina Roger Pogoy ng FEU at Kevin Racal ng Letran bilang Pivotal Players at sina San Beda guard Baser Amer, Letran guard Mark Cruz at FEU playmaker Mike Tolomia bilang Super Seniors.