Ni NORA CALDERON

Jake at Maine
Jake at Maine
FINALLY, ipinakilala na sa kalyeserye ng Eat Bulaga ang pinagseselosan ni Alden Richards at AlDub Nation kay Yaya Dub (Maine Mendoza), ang bukambibig niyang mabait at matalinong kaklase na very supportive sa kanya, si Jake.

Tunay na Jake ang pumasok sa eksena, si Jake Ejercito, ang panganay na anak ni Manila Mayor Joseph Estrada kay Laarni Enriquez.

Kung noong una ay para raw may tinik sa dibdib ang hosts na sina Sen. Tito Sotto at Allan K kung sino si Jake na pupuntahan si Yaya Dub sa bahay nito, nabunutan daw sila ng tinik nang isang beki ang dumating na Jake.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Pero ang sabi ni Yaya Dub, dalawa ang Jake na kaklase niya, iyong beki (si Jake number one) at ang Jake number two na darating, kaya worried na naman ang Dabarkads.

Madali namang nalinawan sina Tito Sen nang pumasok si Jake (na hindi beki) at tanungin agad ng tatlong lola (Nidora, Wally Bayola; Tidora, Paulo Ballesteros; at Tinidora, Jose Manalo) kung manliligaw siya sa apo nilang si Divina.

“Hindi po, kasi may girlfriend akong nasa London at sa Lunes, babalik na po ako sa Singapore para ipagpatuloy ang masteral degree ko roon,” sagot ni Jake. “Nagpunta po lamang ako rito para ibigay na lahat kay Divina ang mga papers namin sa project na ginagawa namin tungkol sa entrepreneurship. Kung magkakaroon ka ng problema, Divina, tawagan mo lamang ako sa Singapore.”

Ininterbyu agad ng mga lola si Jake na ang favorite color daw ay red, at mahilig ding kumain ng isaw at barbecue, tulad ni Alden. Hindi raw siya marunong kumanta, sabi ni Tito Sen, ipakanta ni Yaya kay Jake ang Kahit Na Magtiis (ang favorite song ni Erap).

Alam daw niya ang song pero hindi niya kayang kantahin.  Kaya pinag-dubsmash na lamang nila si Jake ng Just Once at sinabayan din ang mga lola sa pagkanta ng Macho Gwapito.

Kinumusta ng mga lola kay Jake si Divina (Yaya) as a student.  Mahusay, matalino at mahilig daw itong mag-participate sa class discussion, kaya hindi siya nag-alaalang iwanan sa kaklase ang project nila.

“Sayang po at hindi ko na-meet si Alden, lagi po siyang ikinukuwento sa akin ni Divina. Puwedeng-puwede po siyang sumali sa negosyong itinatayo namin ni Divina para makatulong sa maraming tao.  Kailangan ko na pong bumalik sa Singapore.”

Bago umalis, game pang sumayaw si Jake ng Dessert kasama ng tatlong lola.

Ngayong Lunes babalik si Alden sa kalyeserye.  Hindi siya nakaabot noong Sabado sa Eat Bulaga dahil gabi na siya nakabalik mula sa show niya sa Doha, Qatar.