Nagkakaroon ng sigalot ngayon sa pagitan nina Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista at Commissioner Ma. Rowena Amelia Guanzon kaugnay ng pagsusumite ng komento ng commissioner sa Korte Suprema na may kinalaman sa disqualification case ni Sen. Grace Poe.

Nauna rito, nagpalabas ng memorandum si Bautista noong Enero 7 na nag-aatas kay Guanzon na magpaliwanag sa loob ng 24-oras kung bakit naghain siya ng komento sa kaso ni Poe sa Korte Suprema nang wala niyang lagda at hindi ipinare-review sa iba pang miyembro ng Comelec en banc.

“I find these acts not only irregular but personally disrespectful,” ani Bautista sa nasabing memorandum.

Nagbanta pa si Bautista na mapipilitan siyang sabihin sa mataas na hukuman na ang dokumentong inihain ni Guanzon ay hindi awtorisado, na tiyak na makakaapekto sa posisyon ng Comelec sa kaso ni Poe.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sinabi naman ni Guanzon na hindi siya subordinate o empleyado ni Bautista kaya wala itong kontrol sa kanya.

“This Memorandum, which is now public, has cast a stain on my reputation as a Commissioner and as a lawyer. I must emphasize that as a Commissioner, I am not a subordinate or employee of Chair Bautista and he has no administrative supervision or control over me,” saad sa pahayag ng commissioner na ipinaskil niya sa kanyang Twitter account.

“The Memorandum of Chair Bautista unfortunately damaged the image of the institution and I am afraid might prejudice our case before the Supreme Court. Our first priority should be the institution and the country that we serve faithfully,” aniya pa.

Idinepensa rin ni Guanzon ang kanyang aksyon at sinabing ang preparasyon at pagsusumite ng komento ay mayroong “imprimatur” ng Comelec en banc.

Aniya, binigyan lamang ng 10 araw o hanggang Enero 7 ng Korte Suprema ang Comelec para maghain ng komento.

(Mary Ann Santiago)