Sinandigan ng Arellano University ang taglay na karanasan sa kampeonato upang malusutan ang matinding hamon ng College of St. Benilde at makopo ang ikalawa at huling Final Four twice-to-beat advantage sa ginaganap na NCAA Season 91 voleyball tournament sa San Juan Arena noong Biyernes ng hapon.

Sinandigan ng Lady Chiefs sina Danna Henson at Angelica Macabalitao para makaungos sa Lady Blazers, 25-20, 22-25, 28-30, 25-18, 19-17, at makamit ang second spot matapos umangat sa kartadang 8-1 panalo-talo.

“Maganda ‘yung laban. ‘Yun talaga ang volleyball, makikita natin na parehas hindi bumigay ang team pero siguro medyo pagod na rin ang kabila kaya ganoon,” ani Arellano head coach Obet Javier na nakahinga nang maluwag matapos ang dikdikang labanan. “Ang bilin ko talaga sa team na hindi pwedeng balewalain (ang CSB) kasi isa sila talaga sa magaling na team dito e.”

Isang transferee galing Letran, ibinigay ni Macabalitao,dating rookie of the year noong 2013 ang bentahe sa Lady Chiefs , 18-17, sa pamamagitan ng off the block kill na sinundan ng matulis na serve mula kay Henson na nabigong makontrol ni Melanie Torres na siyang sumelyo sa panalo.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Tumapos na topscorer para sa Arellano si Jovielyn Prado na may 23 puntos, habang nagdagdag si Henson ng 20 puntos na binubuo ng 15 hits at 5 aces.

Ngunit posibleng mawala ang nasabing bentahe ng Lady Chiefs kung magtutuluy-tuloy ang kasalukuyang namumunong San Sebastian College sa pagwawalis ng elimination round.

Kapag nanaig ang Lady Stags sa Lady Blazers sa huling laban nito sa Linggo, awtomatiko silang uusad sa finals at magkakaroon ng betaheng thrice to beat habang dadaan naman sa stepladder semifinals ang Arellano, St. Benilde, at Univeristy of Perpetual Help.

Dahil sa kabiguan ay bumagsak ang Lady Blazers na pinamunuan ni Janine Navarro na nagposte ng season high 27 puntos sa barahang 6-2, panalo-talo kapantay ng Lady Altas.