Hindi pinalagpas ni Pangulong Aquino ang kanyang mga kritiko kaugnay ng nararanasang kakulangan sa supply ng kuryente sa ilang bahagi ng Mindanao.

Aniya, walang humpay ang pagbatikos ng ilang sektor sa kasalukuyang administrasyon tuwing panahon ng tag-init, o tuwing mababa ang produksiyon ng hydroelectric power, subalit tahimik naman tuwing tag-ulan at sapat ang supply ng kuryente.

“These critics also made the most unreasonable demands: cheap, renewable, and sufficient energy, delivered yesterday,” pahayag ni PNoy sa inagurasyon ng 300-megawatt coal-fired plant sa Davao City.

Pinuri rin ni Aquino ang paninindigan ng mga nagsilbing kalihim ng Department of Energy (DoE)—mula kay Jose Rene Almendras hanggang kay Carlos Jericho Petilla, hanggang sa kasalukuyan na si Zenaida Monsada—sa pagiging matibay laban sa walang tigil na pagbatikos sa usapin ng power supply sa Mindanao.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tiniyak ng Punong Ehekutibo na hindi naging pabaya ang administrasyon sa pagpapalakas sa renewable energy dahil ito ang bumubuo sa 33 porsiyento ng kabuuang supply ng kuryente sa bansa.

Subalit iginiit ni Aquino na nangangailangan pa ng karagdagang power baseload ang Mindanao.

“Unfortunately, right now, we cannot wean ourselves completely from relying on coal,” aniya.

Sa pagbubukas ng 300-megawatt Davao baseload power plant, magiging stable ang supply ng kuryente sa rehiyon, umulan man o umaraw. (Madel Sabater-Namit)