Kabuuang 16 na koponan ang nakatakdang magpasimula sa kinukonsiderang kauna-unahang paglulunsad ng liga ng volleyball sa buong mundo na kabibilangan ng mga bakla o bading na manlalaro na tinaguriang BADESA Volleyball Cup sa Enero 23 at 24 sa Amoranto Sports Complex sa Quezon City.

Ito ang isiniwalat kahapon ni Philippine Super Liga (PSC) at SportsCore Management (SCORE) president Ramon “Tatz” Suzara matapos na makipagpulong sa mga nagkumpirmang sasaling koponan sa kontrobersiyal na torneo.

“We are not discriminating naman but our aim is to have volleyball open to all gender, either sa tomboy and bakla,” sabi ni Suzara, na miyembro ng Federation International de Volleyball (FIVB) at Asian Volleyball Confederation (AVC).

Ipinaliwanag ni Suzara na dalawang araw lamang isasagawa ang torneo bilang pagpapasimula sa hangarin ng mga LGBT o Lesbians, Gays, Bisexual at Transgender na mabigyan ang kanilang mga samahan ng isang de-kalibreng torneo.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

Nakausap din ni Suzara ang premyadong talk show host na si Boy Abunda na nangako ng buong suporta mula sa mga komunidad ng LGBT.

“We have already two teams coming from Las Pinas and Bacoor in Cavite plus one in Imus,” sabi ni Suzara.

Aminado si Suzara na ito ang unang pagkakataon na magsasagawa ng liga para sa mga bakla subalit kailangan nitong pagbigyan ang kahilingan mismo ng komunidad base na rin sa pagnanais ng kinaaniban nitong FIVB at AVC na ilapit sa mas maraming populasyon ang larong volleyball.

“We had to limit the entries dahil ang dami pa kasing sumasali so hindi natin kakayanin na matapos in two days,” sabi pa ni Suzara. (ANGIE OREDO)