South Korea North Korea Nuclear

Sinabi ng North Korea noong Miyerkules na “successful” ang isinagawa nitong hydrogen bomb test, isang pag-amin, na kung totoo ay magtataas ng pagtaya sa ipinagbabawal na nuclear program ng ermitanyong estado.

“The republic’s first hydrogen bomb test has been successfully performed at 10:00 am on January 6, 2016, based on the strategic determination of the Workers’ Party,” sinabi ng isang news reader ng state television.

Ang hydrogen, o thermonuclear device, ay gumagamit ng fusion sa isang chain reaction na nagreresulta sa mas malakas na pagsabog kaysa fission blast na nagmumula lamang sa uranium o plutonium.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Noong nakaraang buwan, nagpahaging si North Korean leader Kim Jong-Un na nakadebelop na ang Pyongyang ng isang hydrogen bomb – ngunit duda rito ang mga international expert.

EMERGENCY MEETING

Nagpatawag ang United Nations Security Council ng emergency meeting sa New York matapos ang sinasabi ng North Korea na matagumpay na hydrogen bomb test.

Ang closed-door morning talks ng 15 kasaping nasyon ay ipinatawag ng United Nations at ng Japan.

Samantala, sa emergency meeting ng National Security Council (NSC) ng kanyang bansa matapos pumutok ang balita, sinabi ni South Korean President Park Geun-Hye na ‘’the test is not only a grave provocation to our national security but also a threat to our future’’ at nanawagan ng matinding sanctions sa North.

MASS EVACUATION

Nakaramdam ng mga pagyanig ang mga tao malapit sa hangganan ng China sa North Korea noong Miyerkules ng umaga matapos sabihin ng Pyongyang na nagpasabog ito ng isang hydrogen bomb, sinabi ng state broadcaster China Central Television (CCTV) sa isang verified social media account.

Nag-alisan sa mga gusali ang mga residente sa Chinese border matapos maramdaman ang mga pagyanig habang pinauwi ang mga estudyante sa isang senior high school matapos bumitak ang lupa sa recreation ground nito.

Kabilang sa mga niyanig na lugar ang Yanji, Hunchun at Changbai sa Jilin province -- mga bayang pinakamalapit sa test site ng North.

SERIOUS THREAT

Kinondena ng mga bansa ang sinasabing hydrogen bomb test ng North Korea na isang malaking banta sa seguridad ng rehiyon.

‘’The nuclear test that was carried out by North Korea is a serious threat to the safety of our nation and we absolutely cannot tolerate this,’’ sabi ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa Tokyo.

Sa Washington, sinabi ng White House na ‘’while we cannot confirm these claims at this time, we condemn any violation of (United Nations Security Council) resolutions.’’ Binigyang diin na “[we will] respond appropriately to any and all North Korean provocations’’.

‘’We strongly urge the DPRK side to remain committed to its denuclearisation commitment, and stop taking any actions that would make the situation worse,’’ sabi ni Chinese foreign ministry spokeswoman Hua Chunying sa isang regular briefing, gamit ang opisyal na pangalan ng North.

Inilarawan ni British Foreign Secretary Philip Hammond ang H-bomb test ng North Korea na isang ‘’provocation’’ at ‘’grave’’ breach sa United Nations Security Council resolutions.

Tinawag ito ng France na ‘’unacceptable violation’’ ng UN Security Council resolutions at nanawagan ng ‘’strong reaction from the international community’’.

Nangyari ang test dalawang araw bago ang kaarawan ni Kim Jong-Un. Unang na-detect ng international seismology monitors ang 5.1-magnitude na lindol malapit sa main Punggye-ri nuclear test site sa hilagang silangan ng bansa.

(Agence France-Presse)