Deron Williams, Rudy Gay, Darren Collison, Dirk Nowitzki

Isang makapigil-hiningang three-pointer mula kay Deron Williams, may 02.3 segundo na lamang ang nalalabi sa ikalawang overtime, ang nagtakas ng panalo para sa Dallas Mavericks kontra Sacramento Kings, 117-116, sa kanilang NBA match sa American Airlines Center Martes ng gabi (Miyerkules sa Pilipinas).

Lamang pa ang Kings ng dalawa, 116-114, isang inbound pass ang natanggap ni Williams mula kay Devin Harris mula sa kaliwang kanto. Pineke muna ni Williams ang tira upang maipagpag ang depensa ni Rudy Gay saka ibinato ang isang off-balanced three pointer.

Ang clutch shot ni Williams ang tumapos sa kanilang dalawang magkasunod na pagkatalo.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Nauna rito, isang tres din ang pinakawalan ni Dirk Nowitzki upang magsanib-puwersa sa huling 8-0 atake ng Mavs matapos mahulog sa 109-116 pagkahuli may 1:20 na lang sa 2OT.

Tumipa si Williams ng team-high 25 puntos, 4 assists, 2 rebounds at 2 steals sa 43 minutong paglalaro.

Bagamat nagposte ng impresibong mga numero, kinapos si DeMarcus Cousins na ibandera ang Kings sa likod ng kanyang 35 puntos, 17 rebounds at 6 na agaw.

Hindi naman naglaro dahil sa pananakit ng likod si Rajon Rondo, dating manlalaro ng Dallas, sa kanyang unang pagtapak sa American Airlines Center mula ng pumirma ng kontrata sa Sacramento.

Samantala sa iba pang laro, kumapit hanggang sa huli ang New York Knicks matapos muntik masayang ang itinayong 16 na lamang kontra Atlanta Hawks, 107-101, sa bahay ng Hawks.

Wagi rin ang Chicago Bulls kontra Milwauckee Bucks, 117-106, sa likod ng solidong paglalaro ni Jimmy Butler na kumolekta ng 32 puntos at season-high 10 assists habang nag-ambag naman sina Pau Gasol at Taj Gibson ng 26 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa kanilang ika-limang sunod na panalo.

Nagbida naman si Klay Thompson para sa Golden State Warriors makaraang tumipa ng 36 puntos, 22 dito ay mula sa unang quarter ng laban, upang gibain ang Los Angeles Lakers, 109-88, na naglaro ng wala ang star player na si Kobe Bryant. (May ulat mula sa AP at Sports Illustrated) (MARTIN A. SADONGDONG)