Ipinagharap kahapon ng kasong rape with homicide ang isang lalaki matapos niyang aminin ang panghahalay at pagpatay sa 12-anyos na babaeng anak ng kanyang kaibigan sa Sipalay, Negros Occidental.

Kinilala ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOPO) ang suspek na si Rolando Lausa, 22, ng Purok Saging, Barangay Canturay, Sipalay City, na inaresto sa pagpatay at panggahasa sa isang hindi pinangalanang dalagita sa loob ng isang kuweba sa siyudad.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, Disyembre 31 ng gabi nang iulat na nawawala ang dalagita hanggang sa natagpuan itong patay noong Enero 1 ng hapon sa loob isang kweba.

May isang kilometro ang layo ng kuweba sa bahay ng biktima, na natagpuang wala nang buhay, walang saplot sa katawan, at may mga senyales na ginahasa.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nakatali rin ang leeg ng dalagita, at may sugat sa ulo at bali ang paa.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, inamin ni Lausa ang panggagahasa at pagpatay sa dalagita, sa tulong ng dalawa niyang kaibigan na pinaghahanap na ngayon ng pulisya.

Sinabi pa ng suspek na bangag siya sa ipinagbabawal na gamot nang gawin niya ang krimen.

Naaresto si Lausa makaraan siyang ituro ng saksi na nagsabing ang suspek ang huling nakitang kasama ng dalagita bago ito natagpuang patay. (FER TABOY)