Nag-alok si acting Makati City Mayor Romulo “Kid” Peña ng P100,000 pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon upang matukoy ang kinaroroonan ng isang barangay tanod na nakapatay ng dalawang katao, kabilang ang isang pitong taong gulang na lalaki, sa boundary ng Makati at Taguig sa kainitan ng selebrasyon ng Bagong Taon nitong Huwebes.
Pakay ngayon ng manhunt operation ng awtoridad si Raymundo Liza, miyembro ng Bantay Bayan ng Barangay Southside, Makati City, dahil sa pamamaril sa isang grupo ng nag-iinuman sa Barangay Pinagsama, na roon namatay sina John Edward Pascual at Mark Angelo Diego.
Ayon kay Yolanda Quibuyen, staff ng Barangay Southside, sinuspinde si Liza noong Disyembre 7, 2015 dahil sa isa pang kaso ng pamamaril.
Lumitaw sa imbestigasyon na dumating si Liza na may bitbit na baril sa Barangay Pinagsama, na roon nag-iinuman ang grupo ni Edward dakong 1:20 ng umaga noong Enero 1.
Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap, ilang beses na pinaputukan ni Liza si Edward subalit sinawing-palad na tinamaan si Diego na naglalaro ng mga oras na iyon sa tabi ng mga nag-iinuman.
Isinugod ang dalawang biktima sa Ospital ng Makati at doon sila binawian ng buhay makalipas ang ilang oras.
Ayon sa pulisya, posibleng nairita si Liza sa sobrang ingay ng mga nag-iinuman kaya naburyong ito at namaril.
(Anna Liza Villas-Alavaren)