May kasabihan na mas mabuti pang ninakawan nang 10 beses kaysa masunugan.

Pero paano kung nangyari sa’yo ang parehong kamalasan?

Ito ang naging karanasan ni Melani Guinto, 44, na sa kanyang three-storey apartment unit sa Dian Street sa Malate nagsimula ang sunog dakong 10:30 ng umaga noong Linggo.

At nang magdeklara ng “fire out” ang mga bombero, agad na nagtungo si Guinto sa kanyang silid at natuklasang nawawala na ang P1.5 milyon cash na kanyang itinago sa isang drawer sa ikalawang palapag ng gusali.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Base sa imbestigasyon, dinistrungka ng salarin ang drawer gamit ang isang matalim at matigas na bagay.

Lumitaw din sa pagsisiyasat ng pulisya na namataan ng mga testigo ang dalawang lalaki habang palabas sa apartment ni Guinto at may bitbit na backpack ilang oras bago nagsimula ang sunog.

Nagsasagawa na ng follow up operations ang Manila Police District (MPD) upang matukoy at maaresto ang dalawang salarin, na posibleng sinadya ring sunugin ang apartment upang mahirapan ang awtoridad na matukoy sila.

(Argyll Cyrus B. Geducos)