1 copy

BUKOD sa Burnham Park na pamosong pasyalan at landmark ng Baguio City, may isa pang maipapagmalaking pasyalan sa Summer Capital of the Philippines na tinaguriang green park, ang Botanical Garden.

Ang siyam na ektaryang Botanical Garden ay dating tinawag na Botanical & Zoological Garden, dahil may mga inalagaang iba’t ibang hayop dito, subalit kalaunan ay nawala na. Tinawag din itong Imelda Park, mula sa pangalan ni dating First Lady Imelda Marcos at tinawag ding Igorot Village, dahil naging tahanan din ito ng Igorot artists na lumikha sa Igorot houses at statue na nakalagay sa loob nito.

Kung minsan ay ginaganap din dito ang iba’t ibang rituals ng Cordillera.

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

Bago ka pa man pumasok sa garden ay makikita ang matatandang Igorot na suot ang kanilang native costume, na puwedeng alukin sa picture para pang-souvenir.

Sa pagdiriwang ng ika-100 taon ng siyudad ng Baguio noong Setyembre 1, 2009, ang garden na ito ay pinangalanan na ng Baguio Centennial Park. Sa okasyong iyon, itinayo sa bukana ng parke ang bronze sculpture ng pamosong Filipino artist na si Ben-Hur Villanueva, na naglalarawan sa orihinal na builders ng lungsod na kinabibilangan ng Cordilleran natives, Americans, Chinese at Japanese.

Bagamat napalitan ang pangalan nito, pinanatili pa rin ng city government na tawagin itong Botanical Garden, dahil nakaugalian na itong hanapin at puntahan ng mga turista sa ganitong katawagan.

Sa pamamasyal sa loob, sandali mong makakalimutan ang magulong siyudad, mula sa trapik, polusyon ng mga sasakyan at dami ng tao sa lansangan, dahil ang makikita mo rito ay ang naglalakihan at humahalimuyak na pine trees at iba’t ibang klase ng halaman at bulaklak, siyempre pa, malamig na klima.

Makikita rin sa loob ang magagandang atraksiyon na iniambag ng sister cities ng Baguio, kaya mistulang nasa ibang bansa ka na. 

Ang latest na atraksiyon sa garden ay ang Buddha statues sa Japanese Park at ang World War II Japanese Tunnel, na may 150-meter walk sa loob. Inayos at ginastusan ito ng Japanese-Filipino community sa lungsod. May mga inilagay na ilaw sa loob ng tunnel para sa seguridad ng mga turistang papasok.

Pinasinayaan din, ilang buwan lang ang nakalilipas, ng Filipino-Chinese community ang kanilang Friendship Pavillon and Park, na hango sa Hangzhou City ng China, at ang Asian Park.

Makikita rin sa Botanical Garden ang iba’t ibang adopted park ng sister cities na gaya ng Vaughn, Canada; Vallejo, California; Taebek City, South Korea at maraming iba pa. (RIZALDY COMANDA)