CAMP DANGWA, Benguet – Isang lalaki ang nasawi habang 12 iba pa ang malubhang nasugatan makaraang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang pribadong van sa unang araw ng 2016 sa Sitio Binalyan, Barangay Batan sa Kabayan, Benguet, iniulat ng pulisya.
Sinabi ni Senior Supt. William Camuyot, officer in charge ng Benguet Police Provincial Office, na sakay ang mga biktima sa Mitsubishi Delica van (XGU-201) na pag-aari at minamaneho ni Cornelio Berting Censo, 47, OFW, ng Bgy. Naguey, Atok, Benguet, at lulan sa sasakyan ang 12 dadalo sa libing ng isa nilang kaanak nang mawalan ito ng preno at bumulusok sa bangin, dakong 10:00 ng umaga nitong Biyernes.
Ayon kay Camuyot, nasa 100 metro ang lalim ng bangin.
Isa sa mga pasahero, si Ramon Adonis Alberas, ay hindi na umabot nang buhay sa Atok District Hospital, habang nasugatan naman sa mukha si Marife Cotde Tuan, 43, at dinala rin sa nabanggit na pagamutan.
Sa Benguet General Hospital sa La Trinidad naman ginagamot ang 11 iba pang nasugatan na sina Cornelio Berting Censo; Hilario Censo Simeon, 43; Elia Censo Simeon, 65; Manalo Tolome Botcha; Brando Albeas Opdas, 39 ;Raymundo Gabin Bentican, 63; Josephine Espada Aban, 50; Jerbson Egsan Bolas, 28; Alexander Censo, 48; Stephen Manalo, 54; at Catalino Inciong, 51, pawang taga-Atok, Benguet. (Rizaldy Comanda)